paoloTila kumportable na si Paolo Ballesteros sa kanyang sexual preference.

Hindi man niya direktang sinasabi ay mahihinuha ito sa mga sagot niya nang makapanayam siya  sa Congo Grill sa Tomas Morato, Quezon City kahapon, March 12.

Kasama ni Paolo ang iba pang talents ng JLD Star Force Artists, ang talent management firm ng manager niyang si Joji Dingcong.

Puwede kayang umabot sa puntong nagpapakababae na siya sa bihis at hitsura gaya ni BB Gandanghari?

“Sino bang nag-out?” birong tanong din ni Paolo sa umpisa ng panayam.

“Hindi pa ba ako nagdadamit-babae?” sabay tawang pabirong tanong niya ulit.

“Sa mga palabas, sa mga roles, nagdadamit-babae ako.”

Halimbawa nga sa fantasy series ng TV5 na Kidlat, kung saan bida si Derek Ramsay, ay nagdadamit-babae siya bilang isa sa mga kontrabida.

Pero sa totoong buhay, hindi pa raw niya naiisip na magpakababae ng kilos, hitsura, at bihis.

Natawa si Paolo nang matanong kung kumusta na ang kanyang lovelife ngayon.

Ibinuka niya ang kanyang bibig sabay tutok ng pinagdikit-dikit na daliri ng kanyang kanang kamay na ang ibig sabihin ay “nganga.”

“Wala akong lovelife… Sex life? Secret!” tawa niya.

Sa darating na panahon, maghahanap ba siya ng lalaking karelasyon at magiging partner niya sa buhay?

“Ewan ko. Gusto n’yo ba?” tawa niya.

“Hindi… wala. Kung may dumating, sige, go!”

Pero hindi siya naghahanap sa ngayon?