mar15_subas

Pumanaw na ang character actor at komedyanteng si Subas Herrero sa edad na 69.

Ayon sa mga kaibigan at nakatrabaho niya, binawian ng buhay si Subas sa Rochester, New York, kung saan siya nakatira ngayon.

Sakit na pneumonia ang ikinamatay ni Subas.

Bukod sa pag-arte at pagpapatawa, hinasa ang talento ng pag-awit ni Subas bilang miyembro ng Ateneo Glee Club sa Ateneo de Manila University nung 1950s.

Nagsimula siya sa showbiz bilang character actor sa mga pelikulang tulad ng Bakekang (1978), Diligan Mo Ng Hamog Ang Uhaw Na Lupa (1975), at Sambahin Ang Ngalan Mo (1981).

Nung 1980s, sumikat ang tandem nila ng isa pang komedyante, si Noel Trinidad. Nagsimula ang dalawa nang makatuwaan nilang mag-perform sa isang party ng isang kumpanya.

Nagkaroon sila ng primetime comedy show sa RPN-9 na may pamagat na Champoy, kasama sina Tessie Tomas, Gary Lising, Cherie Gil, at Ronnie Lazaro.