nora and eddie

 

Kakatapos lang ng awarding ceremonies ng 7th Asian Film Awards na ginanap ngayong gabi, March 18, sa Grand Hall ng Hong Kong Convention and Exhibition Center.

Napagwagian ng Pilipinas ang top acting honors—Best Actor para kay Eddie Garcia at Best Actress para kay Nora Aunor.

Ito lamang ang dalawang kategorya kung saan nakakuha ng nominasyon ang Pilipinas.

Bukod sa Best Actor trophy ay si Eddie rin ang nanalo ng People’s Choice Best Actor, kung saan ang mananalo ay base sa online voting.

Nagwagi si Eddie para sa kanyang pagganap sa pelikulang Bwakaw na idinirek ni Jun Lana. Naging entry ang pelikula sa Cinemalaya 2012.

Tinalo ng beteranong aktor sa kategoryang ito ang ibang Asian actors na sina Joseph Chang ng Taiwan para sa GF*BF, Choi Min-sik ng South Korea para saNameless Gangster: Rules Of The Time, Tony Leung ng Hong Kong para sa Cold War (Hong Kong), at Liu Ye ng Hong Kong para sa The Last Supper.

Si Nora naman ay nagwaging Best Actress para sa kanyang pagganap sa Thy Womb ni Direk Brillante Mendoza.

Ang Thy Womb ay naging kalahok sa Venice International Film Festival at Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon.

Tinalo ni Nora sa kategoryang Best Actress sina Cho Min-soo ng South Korea para sa Pieta, Golshifteh Farahani ng Afghanistan para sa The Patience Stone, Gwei Lun-mei ng Taiwan para sa GF*BF, at Hao Lei ng China para sa Mystery.

Si Cho Min-soo ang tumalo kay Nora sa Venice International Film Festival.

Personal na tinanggap ng dalawa ang kani-kanilang mga tropeyo.

Ayon sa mga Twiter posts ng TV5 executive na si Perci Intalan, na dumalao sa awarding, tinapos ni Eddie ang kanyang speech sa pagsasabi ng “Mabuhay ang Pilipinas!”

Samantala, Tagalog ang ginamit na lengguwahe ni Nora sa kanyang acceptance speech.

Sinimulan niya ito sa pagsabing naka-rubber shoes siya sa loob ng kanyang yelow gown dahil namaga raw ang kanyang paa.

Ang nagwagi ng Best Film sa 7th Asian Film Awards ay ang Mystery mula sa China.

Ang Japanese director naman na si Kitano Takeshi ang nanalong Best Director para sa Outrage Beyond.