angel locsin

 Itinanghal na Movie Actress of the Year si Angel Locsin  sa katatapos na 29th PMPC Star Awards For Movies na ginanap sa AFP Theater noong, March 10.

Nagwagi si Angel para sa kanyang pagganap sa pelikulang One More Try, na naging entry sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Tila hindi makapaniwala si Angel nang tawagin na ang kanyang pangalan at napahaba naman ang kanyang acceptance speech dahil hirap siyang mag-isip ng tamang sasabihin.

“Sobrang tension lang talaga ako!” natatawang sabi ni Angel nang makausap siya pagkatapos ng awards night.

“Alam mo yung hindi lang talaga ako makapaniwala, dagdag pa niya.

“Pagdating ko dito, siyempre alam ko yung ibang kapwa ko nominees na kasama—sina Tita Vilma, Ate Guy, at Ms. Gina Alajar—parang ang kapal naman ng mukha ko kung aasa ako, di ba?

“Kaya hindi lang talaga ako makapaniwala nang ang pangalan ko ang tinawag na nanalo.

“And I’m just very thankful, especially sa PMPC, kasi siguro binibigyan nila ng chance yung mga mas bagong artista.”

Last year ay si Angel din ang nagwaging Best Actress sa Star Awards For Movies para sa In The Name of Love.

Pero ngayong taon, mas mabigat ang nakalaban niya dahil kasama sina Nora at Vilma sa mga nominado.

Itinuturing ba niyang special moment ang kanyang panalong ito?

“Wala pa ako sa moment na special.

“Kasi ang iniisip ko lang kanina nang nanalo nga ako, ‘Paano ako makakalabas nang buhay?” natatawang sagot ng Kapamilya actress.