Marian rivera

Hindi direktang sinagot ni Marian Rivera ang tanong kung handa na ba siyang makatrabahong muli ang kapwa Kapuso actress na si Heart Evangelista.

Matatandaan na noong Setyembre 19, 2012, sa special tribute para sa King of Comedy na si Dolphy, ay tahimik na nagkaayos sina Marian at Heart.

Ito’y matapos na pabirong ituro si Heart kay Marian na nasa kabilang table. Hindi naman daw nagtagal ay lumapit si Heart kay Marian at nakipag-beso.

Nangyari ang pagtatagpo ng dalawa matapos na magkaroon sila ng alitan habang ginagawa ang pelikulang Temptation Island noong 2011.

Sa presscon ng pelikula ni Marian Rivera kasama si Richard Gutierrez na My Lady Boss noong, Marso 19, nabanggit sa Kapuso Primetime Queen ang nasabi ni Heart na handa na itong makatrabaho siyang muli.

“Ha?” ang unang naging reaksyon ng aktres habang kapanayam siya at iba pang entertainment press.

Sandaling tumahimik si Marian at saka sumagot.

“Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa bagay na ‘yan,sabi ni Marian.

“Tutal naman past is past na, marami nang naganap, at sa tuwing nakikita naman niya ako, binabati naman niya ako.

“May mga bagay kasi na… paano ko ba sasabihin… ayoko na rin palakihin ang isyu. Kasi, wala akong mapapala.

“Kumbaga, ako na naman yung talo, sa totoo lang.

“Sabihin na lang natin na kapag ang damit ay nabutasan, kahit tahiin mo, may marka pa rin.

“Pero hindi ibig sabihin no’n na hindi ka nagpapatawad, hindi ka nagiging open sa mga bagay-bagay.

“Siguro naniniwala ako na ang sugat gumagaling, pero unti-unti.”

Tinanong  si Marian kung nagkabati ba sila, at sinabi niya sa aming lumapit daw si Heart at nagbeso sila.

Okay na raw iyon na ang ibig sabihin ay wala na silang problema at masasabing nagkabati na sila.

Matatandaang nagkaroon ng away sa pagitan nina Marian at Heart habang ginagawa nila ang pelikulang Temptation Island noong isang taon.

Naging tapat naman si Heart sa pagsasabing gusto niyang makipag-ayos sa lahat.

Tingin daw niya ay nasa tamang timing lang na makipag-ayos na siya sa mga nakasamaan niya ng loob.

“As much as possible, I want to be okay with anybody,” sabi ng Kapuso actress.

“When there’s an opportunity, mukhang okay naman lahat.

“Mararamdaman mo naman kung tama yung timing, then it’s not a problem if you’ll approach.

“She’s very nice,” paglarawan pa ni Heart kay Marian.

“It’s always nice na okay ka sa lahat.

“In time naman, dadating dun sa time na maging okay ka sa lahat ng mga nagkaroon kayo ng conflict in the past.

“As long as you’re very humble person, and everything like that, then everything will follow, maging maayos ang lahat.”

Inabangan  si Marian sa may backstage para hingan ng reaksiyon sa pagkikita nila ni Heart, pero matipid ang sagot nito.

Sabi ng Primetime Queen ng GMA-7, “Ay naku, huwag na natin pag-usapan ‘yan. Basta okay kami. Wala nang intriga.