lucy

Dalawang buwan bago ganapin ang mid-term 2013 elections, ibinaba ng Supreme Court ang desisyon kaugnay ng protesta laban sa TV personality na si Lucy Torres-Gomez.

Ayon sa report  ngayong araw  na eto, March 19, ipinatanggal na si Lucy bilang representative ng fourth district ng Leyte.

Sa text message na ipinadala ng Supreme Court spokesperson Theodore Te sa media, si Lucy “did not validly substitute” ang kanyang asawa na si Richard Gomez noong May 2010 elections.

Ipinaliwanag ni Te na hindi maaaring palitan ni Lucy ang kanyang asawa dahil hindi naman talaga ikinunsidera bilang kandidato si Richard.

“He was held ineligible for failure to comply with residency requirements. Thus, absent a valid substitution Ms. Torres-Gomez could not have been considered a candidate,”pahayag ng SC spokesperson.

Ayon pa kay Te, pitong magistrates ang bumoto para sa ouster ni Lucy, apat ang nag-dissent, at apat din ang nag-abstain.

Dapat sana ay tatakbo si Richard bilang fourth district representative ng Leyte sa ilalim ng Liberal Party, ngunit diniskwalipika siya ng Commission on Elections (Comelec) noong February 17, 2010.

Ito ay dahil hindi raw napatunayan nang lubusan ng aktor ang kanyang residency sa Ormoc City, na siyang hometown ng kanyang misis na si Lucy.

Ang protesta ay inihain ng residente ng Ormoc na si Silverio Tagolino.

Pagkatapos madiskwalipa si Richard ay pinalitan siya ni Lucy.

Nakakuha si Lucy ng botong 101,250 laban sa 76,549 votes ng Lakas-Kampi-CMD candidate na si Eufrocino Codilla Jr.

Dahil sa pagkakatanggal ni Lucy, ayon sa isang analyst, posibleng ipasauli sa kanya ang nakuha niyang suweldo sa panahong nanilbihan siya bilang Leyte representative.

Ayon din sa analyst, maaari ring si Codilla ang humalili sa kanya hanggang sa maihalal ang bagong representative.

Tumatakbo muli ngayon si Lucy bilang representative ng fourth district, laban kay Eric Codilla.