magpakailanman

Marami na ang hindi nakakakilala kay Susan Fuentes, pero sa tuwing dumarating ang Pasko ay lagi pa ring pinatutugtog ang kaniyang hit song na “Miss Kita Kung Christmas.”

Sa papalapit na Pasko ng Pagkabuhay, isasadula ng Magpakailanman ang buhay ni Susan Fuentes, ang pagkadiskaril ng kaniyang kapalaran sa kanyang pagkapit sa kasalanan, at kung paano nawala ang pinakaimportanteng bagay sa buhay niya—ang kaniyang mga anak.
Ngayong darating na Sabado, samahan natin si Ms. Mel Tiangco sa kaniyang pakikipag-kuwentuhan kina Susan Fuentes at Dulce, para alamin kung paano muling nakabangon ang dating tinaguriang “Queen of Visayan Songs.”
Noong 1970s, isang probinsyanang may ginintuang boses ang nakipagsapalaran sa Maynila para makamit ang pangarap na maging isang sikat na singer. Ito si Susan Fuentes. At ilang taon rin niyang nakamit ang kasikatang inaasam, sa pagbigay buhay sa ilang mga awiting matunog pa rin hanggang ngayon: ang “Miss Kita Kung Christmas,” “Matudnila,” at “Usahay.”
Nang kaniyang maabot ang rurok ng kaniyang karera, may nangyaring hindi inaasahan si Susan: nahulog ang loob niya sa isang lalakeng may asawa na. Hindi nadidiktahan ang puso; tinalikuran ni Susan ang kaniyang pangarap at tinanggap ang isang makasalanang buhay alang-alang sa lalaking minamahal. Hindi man ideal ang buhay na nakuha, kasama naman niya ang mahal niya—at nagkaroon pa siya ng dalawang anak na nagbibigay ligaya sa kaniya.
Pero walang kasalanang hindi napananagutan. At ito ang natutunan ni Susan nang magdesisyon ang kinakasama na ayusin ang kaniyang buhay. Iniwan nito si Susan, at kinuha ang kanilang mga anak. Naiwan si Susan na walang kabuhayan, na walang malapitan—nag-iisa sa isang siyudad na hindi marunong magpatawad.
Hanggang sa muli siyang matagpuan ng isang dating tagahanga—isa sa mga respetadong singer ngayon, si Dulce. Nang malaman ang kinahantungan ng dating iniidolo, kinuha ni Dulce ang responsibilidad para dito. Pero hanggang saan lang ba ang maitutulong ng isang hindi kaanu-ano?
Paano babaliktarin ni Dulce ang masalimuot na kapalarang tinanggap ni Susan Fuentes?
Sundan ang kaniyang kuwento ngayong Sabado, sa isang espesyal na pagtatanghal ng Magpakailanman, featuring Glaiza de Castro bilang si Susan Fuentes, and Aicelle Santos as Dulce; mula sa panulat ni Senedy Que, sa pananaliksik ni Jonathan Cruz, at sa direksyon ni Dominic Zapata—pagkatapos ng Vampire Ang Daddy Ko.
susan 1