chiz
Nagsalita na si Senator Francis “Chiz” Escudero ng mga akusasyon sa kanya ng mga magulang ng nobya niyang si Heart Evangelista.

Sinabi ng senador sa presscon niya sa Naga City ngayong araw, Marso 21, na nadadamay na ang kanyang ina at mga anak sa isyung ito.

Nitong Martes, Marso 19, tahasang sinabi nina Rey at Cecile Ongpauco, mga magulang ni Heart, na hindi sila pabor kay Chiz para sa kanilang anak.

Gayunman, tumanggi nang magbigay ng pahayag ang senador, at sinabing ayaw niyang panghimasukan ang problema sa pagitan ni Heart at mga magulang nito.

Pero kagabi, Marso 20, isang statement ang inilabas ng mga magulang ni Heart, kung saan inisa-isa nila ang mga dahilan kung bakit “unacceptable” si Senador Chiz sa kanilang pamilya.

Dito’y nabanggit ang “religious reasons,” “personality problem,” ang pagiging “alcoholic” diumano ng senador, at ang mga “illusions” na ginamit nito upang makuha ang loob ni Heart.

Ayon sa mga tweet ng ABS-CBN reporter na si Jeff Canoy, mula sa presscon, sinabi ni Chiz na dahil sa mga sinabi ng mga magulang ni Heart, “Lumalabas na parang hindi ako pinalaki nang maayos.”

Pilit niya rin daw iniintindi ang mga magulang ni Heart.

“Parent din ako pero hindi ako naninira sa ngalan ng anak ko,” sabi Chiz.

Giit pa ng senador, kahit pa may kaya ang mga magulang ni Heart, “hindi lisensiya [iyon] para yurakan ang pagkatao ko.”

“Mahal ko si Heart, pero matindi itong pinagdadaanan namin, pahayag pa ni Senador Chiz.