heart 1

Ang mga magulang ni Heart Evangelista na sila  Rey at Cecile Ongpauco ay labis na nag-aalala dahilan sa hindi pag-uwi ng kanilang anak mula pa noong sabado at hindi nila alam kung saan siya tumutuloy.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa Balitanghali nitong Huwebes na, “Mas kakampi pa niya ang ibang tao kaysa magulang… ‘di ba it’s always like, dapat always ang parent ang una,” sinabi ni G. Ongpauco.

Naniniwala sila na ang pag-alis ng kanilang anak ay bungsod ng kanilang pagtutol sa pakikipagrelasyon ng aktres kay Senator Chiz Escudero.


Aminado ang mag-asawang Ongpauco na hindi nila gusto si Escudero dahil mayroon umano itong masamang ugali, tulad ng pagiging bastos umano at pag-inom (ng alak), dagdag naman ni G. Ongpauco,

Minsan ay dumating ang senador sa kanilang bahay na amoy alak para magpakilala sana sa kanila, kwento ni Gng. Ongpauco,

“Dumating siya doon for the very first time, nakasalampak siya doon [sa upuan] amoy na amoy ‘yong alak at parang nakakatakot, nakakabastos,” pahayag ni Gng. Ongpauco.

“Ang tao ‘pag bastos sa magulang… ay lalo na ‘yong anak ko, kawawa naman ‘yon, balang-araw kawawa naman ‘yon, baka anong mangyari doon. Hindi ako nagagandahan sa ugali niya.”

Minsan na rin umanong nagsumbong sa kanila ang kanilang kasambahay dahil sa ginawang pagsigaw umano ni Escudero sa kanilang anak.

“‘Yong anak ko binubulyawan doon sa itaas, sinisigawan, lasing. At ‘yong bata naman, duwag naman ‘yong anak ko na ‘yon, eh, umiiyak lang nandoon. Nakita kung anong pagkatao niya? Respeto lang, nandoon pa siya sa lugar namin,” dagdag pa niya.

Apela ng mag-asawa kay Escudero, hiwalayan muna nito ang kanilang anak upang maayos nila ang problema nilang pamilya.

“Nag-aapela kami kay Mr. Escudero, kung maaari iwanan muna niya ang anak namin para medyo magpalamig ng konti,” pakiusap ni Gng. Ongpauco.

Aminado naman sila na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng anak dahil sa pag-ibig. Gayunman, ngayon lang umano umabot sa ganito katindi ang kanilang pagtatalo.

Ayon kay Mr. Ongpauco, minsan na rin siyang sinabihan ng anak na: “Dad, sana naman kung magkamali ako sa buhay ko ngayon, magkamali ako ng pagpili, huwag niyo naman ako itakwil.”