temptation of wife

Ang dalawang bidang aktres sa GMA primetime soap na “Temptation of Wife” na sina Marian Rivera at Glaiza de Castro  ay tinitiyak na magiging maaksyon ang huling linggo ng kanilang palabas.

Kaya naman kung nahumaling ang mga manonood sa maaanghang na batuhan ng linya ni Angeline at Heidi, hindi dapat palampasin ang action packed ending ng Pinoy adaptation.

Pagmamalaki pa ni Marian noong Miyerkules ng gabi, “Ito na nga, magtatapos na kami pero hindi pa rin tumigil si Heidi sa pagpapahirap sa akin [Angeline]. Pero, ‘yong ending tiyak ko naman na magugustuhan nila.”

“Kung nakita nila na maaksyon ‘yong mga past few episode, mas maaksyon to ngayon [yong ending.]”, ayon naman kay Glaiza.

Isa nga raw ang Temptation of  Wife sa mga hindi malilimutang palabas nina Marian at Glaiza dahil tumatak na ang mga pangalang Chantal, Angeline, at Heidi sa mga manonood at maging sa social media.

Maliban dito, maging ang mga hairstyle ng dalawang bidang aktres, marami ang gumaya.

“Bukod sa buhok kong ganito [bob haircut], siguro ‘yong character ko as Chantal kasi naging bago ‘yon sa panlasa ako, naging bago ‘yon sa pag-arte ko. At siguro ‘yong mga tao dito, ‘yon talaga ‘yong mami-miss ko kasi maraming friendship na nabuo dito sa Temptation,” saad ni Marian.

Wika naman ni Glaiza, “Nakakalungkot din na matatapos na siya pero at the same time nandoon ‘yong makaka-relax na kami, ‘yong ganon. Matatapos na rin yong paghihirap ni Angeline [at] matatapos na rin ‘yong inis ng tao kay Heidi.

Maliban dito, lubos namang nagpapasalamat ang mga bumubuo ng palabas sa lahat ng manonood at taga-subaybay sa Temptation of wife gabi-gabi sa GMA Primetime.

“Sa lahat ng mga hindi bumitas sa Temptation of Wife, malapit na po ang pagtatapos namin at isa lang po ang sasabihin ko, maraming maraming salamat sa lahat ng nagmahal kay Chantal at Angeline,” batid ni Marian.