Vice Ganda

Bilang selebrasyon ng kanyang kaarawan noong March 31, ay nagkaroon ng two-part special ang Gandang Gabi Vicena ginanap sa Metro Bar sa West Avenue, Quezon City.

Nakausap ng The Buzz  dito ang tinaguriang Phemonemal Box-Office Star.

“Ang saya, sobrang saya, sabi ni Vice Ganda, tungkol sa kanyang kaarawan.

“At kaya ako tuwang-tuwa, ang dami kong mga kaibigan na nandiyan, yung mga hindi ko na nakikita.

“Masaya at saka ang bongga ng mga guests ko, ‘no!”

Masaya rin daw si Vice dahil naka-graduate na ng high school ang isa sa mga pinag-aaral niyang pamangkin.

“Naka-graduate na ang pamangkin ko, grumadweyt siya sa Sienna. At least, nakapagpa-high school na ako,” pagmamalaki pa niya.

 Bahagi rin daw ng birthday celebration ni Vice ay ang pag-a-out-of-town kasama ang kanyang pamilya.

“First time kong mag-a-out-of-town ng summer na kasama ko ang nanay ko, mga kapatid ko, at mga pamangkin ko.

“Kasi usually, alam ninyo naman ang pamilya ko dati, mga kabarkada ko. Bihira kong makasama ang pamilya ko.

“Pero ngayon, kasama ko sila. Pati na rin ang mga barkada ko.

“Ang dami, mag-a-out of town kami, thirty-five kami sa isang bus.

“Umarkila ako ng bus para sama-sama kami.”

 May pinaniniwalaang inspirasyon si Vice Ganda  sa kanyang buhay na kanyang tinatawag na “Baby Boy”.

Kaya naman tinanong ito kung ano ang naging birthday gift sa kanya ni “Baby Boy.”

“Ang birthday gift niya sa akin, huwag ituloy ang guesting!” saka ito natawa.

 Ayon kay Vice ipinaliwanag niya ang kanyang ibig sabihin. Na-convince kc siya ng staff, Bongga itong GGV [Gandang Gabi Vice]!

“Hindi naman kasi lumalabas yun at saka wala naman kasing nakakaalam, ‘no.

“Na-convince nila, maggi-guest na talaga siya.

“E, sira-ulo siya, tinext niya ako na maggi-guest ako sa GGV, naharang ko! Bongga!” natatawang sabi niya.

Ayaw niya talagang i-expose kung sino talaga si “Baby Boy, ” dagdag pa ni Vice.

“Ayoko talaga siyang i-expose. Maraming haka-haka ang mga tao kung sino talaga siya.

“Pero, wala namang nagku-confirm talaga at hindi ko talaga iko-confirm.

“Di ba, yung mga ibang tao, masaya sila kapag proud sa kanila ang dyowa nila o kung kayang ilantad?

“Ako, mas gusto ko kasi na pangalagaan yung pribadong buhay ng tao kasi hindi naman showbiz yun.

“Personal na buhay ng tao, ang daming paghuhusga niyan na hindi ko naman ia-allow na mangyari sa kanya.

“Hindi naman kailangan ng mga tao kung kami ay nagmamahalan.

“Ang importante, alam namin na love namin ang isa’t isa.”

  Kinunan din ng pahayag si Vice sa mga kontrobersiyang kinasusuungan ngayon ng isa sa matalik na kaibigan niyang si Kris  Aquino.

“Nabigla ako dun sa nag-resign. Hindi ko kasi alam yun na may ganun siyang plano, sabi ni Vice Ganda.

“Noong dumating ako galing Australia, magkausap kami sa telepono.

  “‘Mag-usap tayo, marami akong ise-share sa ‘yo,’ sabi ni Kris.

“Hindi naman ako nakapunta kaya wala akong idea pa kung ano talaga ang kabuuan.

“At saka, kung anuman yun, nandito lang naman ako lagi, susuportahan ko siya.

“Kahit ano pa iyan, susuportahan ko talaga siya at, siyempre, kakampihan at kakampihan ko si Kris.

“At ano naman yun, transparent.

“Kung ano talaga ang sinasabi ni Kris, yun talaga ang nararamdaman niya.

“Hindi siya nang-e-etchos. Hindi nanloloko.

“Kaya nandito lang ako para sa kanya, kay Bimby at kay Josh.”

Humanga naman daw si Vice sa naging tapang ni Kris na mag-quit sa showbiz para sa kanyang mga anak.

“Ang tapang ni Kris, hindi lahat makaka-afford nun, kahit sinong sikat pa. Hindi biro ang mag-resign.

“Ang daming talamak sa kapangyarihan, ang daming takam sa kasikatan, sa salapi na puwedeng kitain sa trabaho na ‘yan.

“Pero siya, ginive-up niya yun hindi para sa kanya kung hindi para kapakanan ng dalawang anak niya.

“Sobrang tapang nun bilang babae.

“At masaya ako dahil alam ko na yun talaga ang gusto niya at yun ang makakagaan sa kalooban niya.”

Bagamat inanunsiyo ni Kris ang kanyang pagre-resign sa kanyang mga programa sa ABS-CBN, ipagpapatuloy pa rin niya ang mga ito dahil sa “contractual obligations.”