Taiwan vs. Philippines
Nagpalabas ngayon ng panibagong sanction ang bansang Taiwan laban sa Pilipinas sa harap ito ng paghingi ng paumanhin at pakikiramay ni Pangulong Noynoy Aquino sa pamilya ni Hung Shi-chen at sa mamamayan ng Taiwan.

Una nang inatasan ni Pangulong Aquino si Manila Economic Cultural Office (MECO) Chairman Amadeo Perez para ipaabot ang paghingi ng sorry kaugnay sa nangyaring insidente.

Sa nasabing travel alert na inilabas ng bansang Taiwan, hinimok nito ang kanilang kababayan na huwag bumisita o magtungo sa Pilipinas.

Nakasaad din sa “red” travel alert ang suspensiyon sa pakikipagnegosasyon sa matataas na opisyal ng Pilipinas at pagtigil sa pakikipagkalakalan.

Inihayag pa ni Premier Jiang Yi-huah na bagama’t kinikilala nila ang pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda pero hindi umano katanggap-tanggap na ang pagkamatay ng kanilang kababayan ay hindi sinasadya.

“Perez did not have sufficient authorization and this shows the Philippines’ lack of sincerity in resolving the incident and therefore our second wave of eight sanctions are initiated immediately,” wika ni Jiang.

Una rito, umaasa ang Malacañang na lalambot na rin ang Taiwan at babawiin ang ilang sanctions na ipinapatupad laban sa Pilipinas.

Kabilang dito ang suspensyon sa work permit application ng mga OFWs.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sana ay magbabago na ang Taiwan at bawiin ang mga restrictions sa bansa.

Nakapaloob sa formal letter ng Pangulo ang kalungkutan sa pagkamatay ng kanilang kababayan sa hindi sinasadyang insidente, ayon kay Lacierda.
Una ng ipinag-utos ng Pangulong Aquino ang patas at kapani-paniwalang imbestigasyon sa pangyayari.

“Upon orders from the President, the National Bureau of Investigation has already started the investigation and is committed to a thorough, exhaustive, impartial and expeditious investigation of the incident. The NBI has given this case the highest priority. We understand the grief and hurt of the family and of the people of Taiwan over this unfortunate loss and we empathize with them,” ani Lacierda.