Annaliza 1

Malapit nang magsimula ang kuwento ng batang buong puso kung magmahal na si Annaliza gagampanan ng susunod na teleserye princess na si Andrea Brillantes, para antigin ang mga manonood gabi-gabi simula ngayong Mayo 27 ( Lunes ) sa hindi matinag na Primetime Bida ng ABS-CBN.

Muling nagbabalik ang 80s soap opera hit sa telebisyon na magsisilbing launching ng child actress na si Andrea na unang nagpamalas ng husay sa pag-arte bilang Princess sa E-Boy, batang Jessy Mendiola sa Sabel at Paraiso, batang Kim Chiu sa Ina Kapatid Anak, at batang Andi Eigenmann sa Kahit Puso’y Masugatan.

Mamarkahan din ng Annaliza ang unang pagganap ng blockbuster actor na si Zanjoe Marudo bilang isang ama pati na rin ang pagbabalik sa isang serye ng 90s teen superstars na sina Patrick Garcia at Carlo Aquino na napansin kamakailan ng publiko ang kalibre sa pag-arte sa cameo appearances nila sa Apoy sa Dagat at Dugong Buhay.

Sundan ang kuwento ni Annaliza, isang batang likas na busilak ang kalooban na lalaki sa piling ng ama-amahang si Guido (Zanjoe)

Sanggol pa lang si Annaliza ng kunin siya mula sa tunay niyang mga magulang — ang mayamang restopreneurs na sina Lazaro (Patrick) at Isabel (Denise Laurel). Pinadukot siya ng naghihiganting dating kasintahan ni Lazaro na si Stella (Kaye Abad) sa manliligaw nitong si Makoy (Carlo).

Para hindi mahuli ay agad na idinispatsa ni Makoy si Annaliza at iniwan ito sa pangangalaga ng matalik na kaibigan na si Guido na nagtatrabaho bilang isang kargador sa pantalan. Sa kabila ng payak na pamumuhay, tinanggap ng binata si Annaliza nang buong puso at trinato na parang tunay niyang anak.

Magsisimula ang kalbaryo ni Annaliza nang pinakasalan ni Guido si Stella at tumulak papuntang Saudi para mabigyan sila ng mas magandang buhay. Matinding pagmamalupit ang pagdaraanan niya sa ina-inahan. Ngunit tila magbubunga ang pagiging busilak ng kanyang puso dahil paglalapitin ng tadhana si Annaliza kina Isabel at Lazaro.

Paano malalaman ni Annaliza ang kanyang tunay na pagkatao? Paano siya magdurusa sa kamay ni Stella? Sa bandang huli, sino ang kanyang pipiliin? Ang tunay na magulang na gustong bumawi sa matagal na panahong sila ay nagkawalay o ang lalaking tumayong ama niya?

Annaliza
Kasama rin sa cast sina Khalil Ramos, Sue Ramirez, Kiko Estrada, Shy Carlos, Kyline Alcantara, Jillian Aguila, at Reign Tolentino.

Advertisements