Charice & Raccquel Pempengco

Maayos at mabuti raw ang relasyon ni Raquel Pempengco at ang panganay na anak na si Charice kahit sa kabila ng kontrobersiya.

Eksklusibong na-interview ng contributor na si Arniel Serato ang ina ng singer sa pamamagitan ng email noong, May 20.

Dito ay sinagot ni Raquel ang ilang mga katanungan kaugnay ng nababalitang alitan nila ngayon ni Charice.

Nakuha  ang email address ni Raquel sa pamamagitan ng Facebook chat, kung saan nakausap siya ni Arniel.

Hindi nakapangalan kay Raquel ang account, pero ayon sa source at sa ninong ni Charice na si Robert Ybera, si Raquel daw ang may-ari nito at sa kanya rin daw ang email address na nakuha namin.

Tumangging magpa-interview si Raquel nang personal. Aniya, “Magpadala kayo ng tanong sa email, magbibigay ako ng statement hanggang kaya kong sagutin.”

Sa halos dalawampu’t limang tanong na ipinadala namin, labinlima ang pinaunlakan niyang sagutin. Isa na rito ay tungkol sa komunikasyon nila ng anak.

Huli silang nagkausap ni Charice nang mag-email ang anak na may mensaheng: “Happy Mother’s Day, I love you and thank you for what I have done to her,” ayon kay Raquel.

Ito ay isa raw patunay, na sa kabila ng mga kuwentong umabot umano sa pulisya ang isang kumprontasyon nila, ay okay ang relasyon nilang mag-ina.

“Hindi kami nag-aaway at walang pag-aaway na naganap, sabi pa niya.

“She texted me na she wanted to be with her friends and she’s coming back again.”

Kung nagkaroon man daw sila ng hindi pagkakaunawaan ay natural lamang ito sa magkakapamilya.

“Siyempre dumarating sa atin na [nagkaka-edad] na tayo at nagkakaisip.

“Minsan merong oras na magkasalungat ang paniniwala namin.

“Hindi tayo matututo kung hindi natin pagdaraanan yung mga gusto nating daanan—tama man o mali ito.”

“Mababait ang mga anak ko, ako na mismo makakapagpatunay nun, giit pa ni Raquel.

“Siyempre, minsan sarado isipan natin dahil gusto lang nating paniwalaan kung ano ang nakikita natin at naririnig.

Lahat naman tayo nagkakaroon ng misunderstanding sa pamilya natin.

“Pero naso-solve naman yun dahil pamilya, e.

“Walang magtatanggol sa isa’t isa kundi ang pamilya—yun ang ipinamumulat ko sa kanila.”

At kung anuman ang dahilan ng pinagdadaan ni Charice, “dapat niyang sabihin sa pamilya lamang niya, hindi kung kani-kanino dahil, hindi mareresolba ng kung sino lang ‘yan kundi ang pamilya din.”