Senate

Nanganganib umanong hindi makaupo sa kanilang puwesto sa 16th Congress ang anim na mga nanalong senador na nabigong maghain ng kanilang mga statement of election contributions and expenditures (SECE).

Ayon kay Commission on Elections chairman Sixto Brillantes Jr., ang nabanggit na parusa ay maliban pa sa ipapataw nilang administrative fines na umaabot ng hanggang P30,000 dahil sa kabiguan ng mga ito na tumalima sa batas.

Una nang tinukoy ng Comelec sina senator-elect Loren Legarda, Francis Escudero, Alan Peter Cayetano, Gregorio Honasan, Juan Edgardo Angara at JV Ejercito na hindi pa nakapagsumite nang listahan ng kanilang natanggap na donasyon at ginastos na nakaraang midterm election.

Gayunman, nilinaw ng opisyal na mayroon pa hanggang June 30 na palugit ang Comelec para sa tinatawag na “late filing” ng SECEs.

Sa interview  kay JV, nilinaw nito na kompleto na ang kaniyang mga dokumento na isusumite na lang sana kahapon kasabay ng itinakdang deadline ng pagsusumite nito sa Comelec ngunit hindi nagawa dahil sa baha.

Kaugnay nito, minabuti nilang idaan na lamang ito sa pinakamalapit na post office upang maipadala sa Comelec office.

May resibo siyang hawak kaugnay sa ginawang hakbang bilang pag-comply sa kautusan ng Comelec na magsumite ng SOCE, ayon kay JV.