alessandra 1

Ngayong Martes, June 18, 2013, gaganapin ang Gabi ng Parangal ng 36th Gawad Urian Awards (2013) sa NBC Tent, Bonifacio Global City, Taguig City.

Isa sa mga inaabangang film awards nights sa industriya ang Gawad Urian Awards ng mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino kung kaya’t kapana-panabik kung sinu-sino ang mga mag-uuwi ng mga tropeo.

Sa official nominees, record-breaking si Alessandra de Rossi dahil hindi lang isa, hindi rin lang dalawa, kundi tatlo ang nakamit nitong nominasyon sa dalawang kategorya.

Recently ay nakapanayam ang Manunuri member at Startalk host na si Butch Francisco at inamin nitong for the very first time in the 36 years’ existence of the Gawad Urian, nakapagtala si Alessandra ng “feat” o “historical record” dahil sa tatlo nitong nominasyon.

Nominado si Alessandra bilang Best Actress for Baybayin ni Auraeus Solito, at bilang Best Supporting Actress naman sa Mater Dolorosa ni Adolf Alix, Jr., at Sta. Niña ni Emmanuel Palo.

Sa mga nakaraang Gawad Urian Awards, apat na beses nang nanu-nominate si Alessandra, pero “mailap” pa rin ang tropeo na makamit niya.

Ang mga ito ay tatlong Best Actress nominations for Azucena (2000), Mga Munting Tinig (2002), at Ka Oryang (2011); at isa namang Best Supporting Actress nomination for Hubog (2001).

First international Best Actress award ni Alessandra ang nakamit niya last March 2013 mula sa ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) for Sta. Niña, dahil nakaka-dalawang Best Supporting Actress trophies pa lang siya in the past, at wala pang Urian doon, kundi FAMAS at MMFF pa lang.

Ayon kay Butch, first time nangyari ito sa isang artista, although sa technical categories in the past ay meron na.

“Si Albert Michael Idioma [isang multi-awarded film sound engineer] ay ilang beses nang nagkaroon ng multiple nominations sa isang Gabi ng Parangal ng Urian.

“Pero para sa isang actor, this is a ‘feat’ for Alessandra for having been nominated three times,” sabi ni Butch sa aming phone conversation.

Sa 36 years ng Urian, may tatlong artista ang binanggit si Butch na nagtala ng dalawang nominasyon sa isang Urian awards night: Chanda Romero, Michael de Mesa, at Maricel Laxa.

“Na-nominate si Chanda Romero as Best Actress for Mananayaw (by Celso Ad Castillo) and she won naman as Best Supporting Actress for Boy Pana (by Romy Suzara),” kuwento ni Butch.

Ang dalawang movies ay itinanghal noong 1978 at iginawad ang parangal noong 1979.

“In 1986, twice ring nag-nominate si Michael de Mesa as Best Supporting Actor, both for Ano Ang Kulay ng Mukha ng Diyos? (by Lino Brocka) and Paradise Inn (by Celso Ad Castillo),” patuloy niya.

Natalo siya pareho sa dalawang 1985 films na ito ng mga namayapang master filmmakers.

“Si Maricel Laxa, she did wonderful performances noong 1992, kaya the following year, in 1993, na-nominate siya sa Urian as Best Actress for Ikaw Ang Lahat Sa Akin, and as Best Supporting Actress naman for Iisa Pa Lamang.

“Both were directed by Jose Javier Reyes.

“Noong 1985 sa Gawad Urian, sa dalawang classic 1984 movies naman na-nominate ang Superstar na si Ms. Nora Aunor for best actress—sa ‘Merika ni Gil Portes at sa Bulaklak Sa City Jail ni Mario O’Hara,” dagdag pang kuwento ni Butch.

Para sa alaga ni Manny Valera, mahahati ang boto nito mula sa mga Manunuri for Best Supporting Actress category dahil sa dalawang pelikula siya nominado.

Sa nasabing kategorya, makakalaban niya sina: Mylene Dizon (Aparisyon), Raquel Villavicencio (Aparisyon), Joy Viado (MNL 143), Clara Ramona (In Nomine Matris), at Annicka Dolonius (Ang Nawawala).

Co-nominees niya for Best Actress category ang kapatid niyang si Assunta de Rossi (Baybayin), gayundin sina Nora Aunor (Thy Womb), Gina Alajar (Mater Dolorosa), Ama Quiambao (Diablo), Jodi Sta. Maria (Aparisyon), Shamaine Centenera-Buencamino (Requieme), Olga Natividad (Mga Dayo), at Liza Diño (In Nomine Matris).

Samantala, para sa Best Actor category, ito na yata ang edition ng Gawad Urian na may pinakamaraming nominees—labintatlo!

Sila ay sina: Eddie Garcia (Bwakaw), Coco Martin (Sta. Niña), JM De Guzman (Intoy Syokoy ng Kalye Marino), Kristoffer King (Oros), Dominic Roco (Ang Nawawala), Joem Bascon (Qwerty), Jericho Rosales (Alagwa), Bembol Roco (Thy Womb), Adrian Sebastian (Baybayin), Ananda Everingham (Kalayaan), Anthony Falcon (Requieme), Nico Antonio (Posas), at Deuel Raynon Ladia (Anac Ti Pating).

For Best Film, pawang mga indies lang ang nominado at walang commercial/mainstream entries.

Ang mga nominado for this category ay: Thy Womb, Mater Dolorosa, Bwakaw, Diablo, Oros, Posas, Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Dilim ng Gabi, Baybayin, Colossal, at Florentina Ubaldo, CTE.

Matipid naman ang nominations for Best Supporting Actor dahil aapat lang sila: Joross Gamboa (Intoy Syokoy ng Kalye Marino), Carlo Aquino (Mater Dolorosa), Art Acuña (Posas), at Dax Alejandro (Qwerty).

Ang invitational showbiz event na ito ay may cocktails at 5:30 PM, at ang show proper will start at around 7:30 p.m., hosted by Iza Calzado, Richard Gomez, Butch Francisco, Xian Lim, and Cherie Gil.