warner bros

Napakasuwerte at patuloy na nakakakuha ng atensyon sa mga malalaking internasyunal na kumpanya ang mga graduates ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) makaraang ilan sa mga ito ang magtanong ukol sa pagkuha ng serbisyo sa mga kuwalipikadong espesyalista.

Kabilang sa mga lumapit sa kanila ang mga multi-bilyong dolyar na mga kumpanya ng Warner Bros. at Walt Disney, ayon kay  TESDA Director General Joel Villanueva.

Naghahanap umano ang mga ito ng mga magagaling na Pilipinong animators para sa ginagawa nilang mga pelikula at iba pang produksyon.

Lumapit na rin umano sa kanila ang Hanjin at Keppel Corporations na naghahanap naman ng iba’t ibang skilled workers.

Ang pagkilala umanong ito sa TESDA ay dulot rin ng pagbibigay sa ahensya ng ISO Certification bukod sa pagpapaigting sa kampanya sa kalidad na “vocational courses” sa buong bansa.

Dahil sa ISO certification, binitiwan na ng ilang malalaking foreign companies ang kinakailangang limang taon na karanasan (required five year experience) para sa bawat Filipino skilled workers na nagtapos sa TESDA upang agad na makuha ang kanilang serbisyo.