Sammy LagmayAng komedyanteng si Sammy Lagmay, 55 anyos ay pumanaw na nitong araw Miyerkules dahil sa komplikasyong karamdaman.
Sa panayam sa kanyang kapatid  sinabi ni Khay Victorio, pumanaw ang komedyante na sumikat sa television sitcom noong dekada 80’s, dakong 3:20 p.m. dahil sa komplikasyon bunga ng sakit nitong diabetes.

Ilang beses na ring pumalya sa pagpapa-dialysis si Sammy. Nitong madaling-araw ng Miyerkules, nahirapan na umanong huminga si Sammy at hindi na rin nakatulong sa kanya ang biniling oxygen hanggang sa tuluyan na siyang bawian ng buhay, dagdag pa ni Victorio.

Ilalagak ang kanyang mga labi sa St. Peter Memorial Chapel sa Tandang Sora, Quezon City.

Pabalik-balik na sa hospital si Sammy mula pa noong 2010 dahil sa kanyang mga sakit na diabetis at sa kidney. Lumabo na rin ang kanyang paningin kaya natigil sa pag-aartista.

Sa isang panayam sa kanyang noong 2012 sa showbiz talk show na Startalk TX ng GMA-7, sinabi ni Lagmay na nais niyang maging katulad siya ng kanyang idolo na si Dolphy na mag-iiwan ng ngiti sa labi ng mga tao kapag nabanggit ang kanyang pangalan.

Sa nasabing episode ng Startalk ay inamin umano ng doktor ni Sammy na nasa end stage na ang sakit nito sa kidney. Dalawang beses isang linggo siya kung isailalim sa dialysis.

Sinabi nito na tanggap niya ang kanyang kalagayan,nang makausap ng Startalk si Sammy.

“Tanggap ko na rin pero minsan ‘pag nahihirapan ka nagwi-wish ka na lang na sana mamamatay ka na lang,” pagtatapat ng komedyante.

Ipinagtapat din ng aktor nang sandaling iyon na inaasikaso na niya ang kanyang memorial plan para wala nang problemahin ang kanyang mga maiiwan kapag pumanaw siya.

Nais daw ni Sammy na kapag pumanaw na siya, napangiti ang mga tao kapag naalala ang kanyang pangalan tulad ni Dolphy.

Parang si Dolphy di ba, banggitin mo lang Dolphy mapapangiti ka na. Sana ganun din ako… Kaya salamat kung ganun nga ang mangyari,” pahayag niya.