AidsNakakalungkot  isipin na pabata nang pabata ang dina­dapuan ng sakit na Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS) kung saan sa 415 naitalang kaso, 55% sa mga ito ay may edad na 17 hanggang 29, na karamihan ay nakuha sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki.Ito ay kasunod nang na­ngumpisal  ang isang binatilyo na nakumpirmang may HIV, na nakuha niya ang sakit dahil sa pakikipagrelasyon sa isang bading.

Ayon sa binatilyo, 17-anyos umano siya nang unang pumasok sa isang relasyon sa kapwa lalaki at nagpaulit-ulit pa dahil na rin sa kagustuhan niyang makapagtapos ng pag-aaral.

Ang lover umano nitong bading ang siyang nagtutustos sa kanyang pag-aaral at sa mga pangangailangan nito gaya ng uniporme, at pang-araw araw na baon at gastusin, habang ang mga magulang nito ang siyang sumasagot ng kanyang tuition fee.

Noong 2012 umano ay naging kapansin-pansin ang pagiging masasakitin ng kanyang karelasyong bading na madalas ay mayroong ubo, sipon at sugat sa labi na hindi naman nila pinapansin noong una hanggang sa nitong Enero 2013 umano ay kinakitaan na ng sugat sa kanyang ari na inakalang allergy hanggang sa mayroon umanong nagpayo na magpa-HIV screening sa DOH, at doon nakumpirma na mayroon nang full-blown AIDS ang 35-anyos na karelasyon.

Hindi umano itinago sa kanya ng karelasyon ang naturang sakit at pinayuhan siyang magpa­tingin din sa doktor, inabot umano ito ng tatlong buwan bago tuluyang magpasya na magpa-screen din sa DOH, at nitong Mayo ay nakumpirma ang kanyang kinakatakutan na positibo ito sa HIV.

Sa ngayon umano ay hiwalay na ang nasabing binatilyo at ang nakarelasyon nitong bading dahil na rin sa hindi umano nila kapwa matanggap ang kanilang sinapit.

Ang nasa­bing bading ay nasa panga­ngalaga ngayon ng DOH at binibigyan ng libreng gamot habang ang binatil­yo ay nangakong hindi na mu­ling makikipagrelasyon sa kapwa lalaki at umiinom na rin ng anti-viral therapy na makakatulong para mabuhay ito nang mas mahaba at mabawasan ang risk na makapanghawa ito sa iba.

Hindi makikita sa panlabas kung carrier ng HIV/AIDS o hindi ang isang biktima, may ilan umano ang nalalaman na positibo sila sa sakit subalit hindi inaamin dahil na rin sa takot na iwanan o sa rejection.

Ayon sa DOH, 96% sa 415 bagong kaso ng HIV/AIDS sa bansa ay pawang mga kalalakihan dahil na rin sa pagkakaroon ng lalaki sa lalaki na pakikipagtalik.

Bunsod nito, sinabi ni DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na pagiging responsable sa pakikipagtalik ang siya pa ring depensa para hindi mahawa ng HIV.