SSS

Napakasakit para sa may 29 milyong aktibong miyembro ng Social Security System (SSS) ang nabulgar na umano’y pananamantala at panloloko sa kanila ng nasabing ahensya dahil sa sobra-sobrang ipinapataw na interes sa salary loan ng mga ito.

Nanawagan kahapon ang isang militanteng mambabatas sa pamunuan ng SSS na isoli ang mahigit sa P788 milyon mula sa sobra-sobrang interes na ipinataw sa salary loan ng mga miyembro ng nasa­bing ahensya.

Sa halip na magpatupad ng pagtataas sa ipinapataw na premium sa lahat ng manggagawa sa bansa ay dapat munang ibalik ng SSS ang nasabing halaga, ayon kay Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares.
Sinabi pa nito na base sa ibinulgar ng Commission on Audit (COA), noong taong 2011 nang matuklasan na aabot sa 18.45% kada taon ang interest rate sa bawat pagkakautang ng mga miyembro ng SSS.
“In effect, COA revealed that the SSS has been charging its member-borrowers with an exorbitant 18.45% per annum interest rate. This is definitely unjust and unfair. Even regular banks don’t do that. To think that these borro­wers are SSS members and this is their own money that they are borrowing,” ayon pa sa mambabatas.
Base aniya sa audit report na ipinadala ng COA sa SSS, umaabot sa P43.23 bil­yong membership loans ang ibinigay mula Disyembre 31, 2011 ng SSS kung saan lumagpas ng 10 porsyento ang limit ng Investment Reserve Fund (IRF) na 38.05 porsyento o P11.915 bilyon.
Ayon kay State Auditor V. Delia Agatep, nagpataw ang SSS ng P982.61 na interest rate sa bawat P20,000 salary loan.