Baby

Ayon sa Department of Foreign Affairs isang sanggol ang nasawi habang nasa konsulada ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ang nabanggit na 20-month old baby ay pansamantalang nakisilong sa temporary shelter ng konsulada nang magkaroon umano ng cardiac arrest noong June 30, ayon kay DFA spokesperson Raul Hernandez.

Napag-alaman na mayroong impeksyon sa central nervous system ang bata bago pa man lumipat ang ina nito sa konsulada.

Naghain na rin umano ng affidavit ang ina na nais nitong ilibing ang anak sa Jeddah.

Samantala, karagdagang 16 na mga overseas Filipino workers (OFWs) pa ang dumating sa bansa mula sa Saudi Arabia sa gitna nang nakaambang pagpapatupad ng “Saudization policy” ng Saudi government.

Iniulat ni Hernandez na sa kasalukuyan ay nasa kabuuang 883 undocumented Pinoy workers ang umuwi sa bansa, kung saan karamihan sa mga ito ay mula Riyadh at Jeddah.

Sa ngayon umano ay tuloy-tuloy pa rin ang repatriation effort ng DFA sa mga kababayan bago ang nakaambang panghuhuli ng Saudi authorities sa mga illegal foreign workers sa Nobyembre 3.