bagyo

Ayon sa Pag-asa, lalo pang lumalakas ang bagyong papangalanan ng Huaning habang papalapit sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Katunayan ayon sa Pagasa, maaring lumakas pa ito sa typhoon category ngayong araw.

Sa kasalukuyan ay taglay na ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot as 140 kilometro bawat oras.

Umuusad ito sa direksyon ng pakanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Kung hindi magbabago ang kanyang direksyon at bilis papasok ito sa Philippine area of responsibility bago magtanghali bukas araw ng Miyerkules.
Ngunit nilinaw ng Pagasa na batay sa tracking ay hindi na tatama ang sentro ng bagyo sa kalupaan ng Pilipinas sa halip dadaan lamang sa karagatang sakop ng bansa at tutumbukin ang Taiwan.

Dahil malayo pa ang bagyo maaaring sa araw ng Huwebes pa mararamdaman ang epekto nito sa Northern Luzon.

Gayunman, dahil sa lakas ng dala nitong hangin posibleng magtaas ng warning signals sa Northern Luzon sa araw ng Huwebes.

Sa ngayon wala pang epekto sa Pilipinas ang naturang sama ng panahon sa halip ang umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ) ang nagpapaulan lalo na sa bahagi ng Palawan at isla ng Mindanao.